Noong nakaraang Sabado Agosto 6, kasama ko ang aking kaibigan ng mapanood namin ang isa sa mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya 2016 - ang "Pamilya Ordinaryo".
Pinagbibidahan ito ng half brother ni Coco Martin na si Ronwaldo Martin bilang Aries Ordinaryo at Hasmine Capili bilang Jane Ordinaryo. Sina Aries at Jane Ordinaryo ay mga menor de edad na mag-live in partner na may anak na si Baby Arjan bunga ng kanilang kapusukan. Nabubuhay ang mag-asawa sa pagnanakaw at pagsinghot ng rugby. May isang baklang nagngangalang Ertha (Moira Lang) na nagpakilala kay Jane na nagmagandang loob upang magbigay ng tulong. Isang araw ay biglang nanakaw at nawala si Baby Arjan.
Maaaring negatibo ang impresyon o nais ipabatid ng pelikula patungkol sa kahirapan. Ang obra ay maihahanay sa mga poverty porn movies.
Ang mag-live in partner (hindi ipinakita sa pelikula kung sila'y kasal na ngunit ang tawagan nila ay mag-asawa) ay kabilang sa mga kabataang maituturing na "batang hamog". May kasama rin silang mga kaibigan na nagiging kaaway o kumbaga ay frienemies. Nakakapanlumo ang kanilang kalagayan dahil mas pinili na ng bidang tauhan na manatili sa kanilang sitwasyon.
Maraming tinalakay sa pelikula tulad na lamang ng early sexualization kung saan nasaksihan ng mga bata nilang kaibigan ang paghahalikan ng dalawang bata habang nasa loob ng side car o pedicab. Isa pang isyung tinalakay ang child abuse at police brutality. Tinanong ng pulis (Menggie Cobarrubias) kung kelan nawala ang pagkabirhen ni Jane. Asiwa o awkward sumagot si Jane hanggang sa pinilit siyang sumagot ng pulis kaya inamin n'yang nagalaw siya ng kinakasama ng kanyang ina sa edad na katorse. Pinilit muli siya ng pulis upang ipakita ang kanyang dibdib. Ayaw ni Jane ngunit sa takot ay ipinakita nya ito. Nakaka-disturb ang eksenang ito dahil ipinakita na kawalan na pag-asa at desperasyon ni Jane sa sitwasyon sa inakala nilang tutulong sa kanilang otoridad. Isa pang tinalakay ang kakulangan ng maayos na paggabay ng magulang. Ipinakita ito sa eksena kung saan humihingi ng tulong si Jane sa kanyang ina sa paghahanap ng kanyang sanggol. Imbes na tulungan siya ay hindi siya binigyan ng pag-asa kaya nagkasagutan at nagmurahan sila. Ang ilan pang resulta ng kakulangan ng maayos na gabay ng magulang ang mga sa.: pagnanakaw nila at ang maloko ng nagpapanggap na tutulong tulad ni Ertha at ang nagpapanggap na nanay ni Ertha na humihingi ng pamasahe sa kanila, early parenthood o maagang pagpapamilya. Pagmumura na ultimo pati mga bata nilang kaibigan ay bulaklak ito ng dila. Noong kinawaan at tinulungan sila ng isang kagawad ay ninakawan pa nila ng cellphone. Kahit ang pagsinghot nila ng rugby.
Mapang-ahas ang pagganap nina Ronwaldo Martin at Hasmine Capili. May mga pumping scenes silang ginawa sa pelikula pati na rin ang walang habas na murahan at sa mga eksenang kelangan tumalon sa tarangkahan. Kahit sa maiksing eksena lumitaw ang husay nila Sue Prado, Ruby Ruiz, Maria Isabel Lopez, Rian Magtaan, Menggie Cobarrubias, Ruth Alferez
Sa aspetong teknikal ay nagkaroon ng technical flaws sa isang eksena kung saan dinalaw ni Ertha si Jane. Hindi synch o akma ang audio sa video ngunit sa huling update ay naisaayos na ito. Ang paggamit ng CCTV sa ilang eksena ay pagpapakita sa manonood ng mga lihim o tagong gawa ng taong nakapaligid sa mag-asawa at kahit sila mismo.
Hindi maganda ang paglalarawan sa karakter na bakla at kahit sa bato ng dayalogo tulad ng "hindi lahat ng bakla ay mabuting tao." Maaaring mahalintulad ang role ni Moira Lang na Ertha sa role ni Vice Ganda sa episode ng Ang Probinsyano. Kung dati, ito ay pwedeng pagmulan ng protesta tulad ng mga pelikulang Cruising (1980) at Silence of the Lambs (1991). Buti na lamang at hindi ito tumutok sa karakter bagkus sa ginawang kamalian ni Ertha.
Pagdating naman sa milieu, hindi ito consistent. Maaaring hindi na ito napansin ng audience. Ipinakita sa pelikula na nanakaw at nawala si Baby Arjan sa Maynila ngunit nag-report sila sa police station ng EDSA Kamuning.
May mga eksenang tumatak tulad ng re enactment ng buhay nila Aries at Jane sa isang TV show na naging tuksuhan ng mga kaibigan nila na bakit hindi sila napasama sa kwento. Ang pag uusap ng dalawang mag-asawa kung babawiin pa ba nila ang bata kung nasa mabuti ng kalagayan si Baby Arjan at ang wakas na kung saan walang emosyon ang kanilang mukha at walang kasiguraduhan tulad sa eksena sa The Graduate (1967).
Ordinaryo nga ba na pamilya ang Pamilya Ordinaryo? Patunay na ang Pamilya Ordinaryo ay isang kwento ng broken family kahit ng isang dysfunctional family. Ang kwento nila ay talagang masasaksihan sa Quiapo o Recto. Kahit ako nakakita ng ganitong kwento sa totoong buhay. Ito ang mga taong kinatatakutan, iniiwasan o kaya ay hindi natin pinapansin.